|
Mga
Aral ng Katipunan sa Kartilya
ni Emilio Jacinto
1. Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan
ay kahoy (puno) na walang lilim, kundi (man) damong makamandag.
2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o papipita
sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang
gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.
3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig
sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa
talagang Katuwiran.
4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay;
mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda;
ngunit di mahihigitan sa pagkatao.
5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa
pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita
sa sarili sa puri.
6. Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.
7. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring
magbalik; ngunit panahong nagdaan nay di na muli pang magdadaan.
8. Ipagtanggol mo ang inaapi;kabakahin (labanan) ang umaapi.
9. Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin;matutong
ipaglihim ang dapat ipaglihim.
10. Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa
at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, patutunguhan ng
inaakay ay kasamaan din. (Ang simula nito ay obserbasyon sa ugnayan
ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan,
iminumungkahing ipalit ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay,
ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay
tungo sa sama, and patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.)
11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang,
kundi isnag katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong
buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal
na ) kahinaan, alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa
iyong kasanggulan.
12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag
mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.
13. Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng
ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos,
wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na
mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi sariling
wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal
at puri, yaong di nagpaaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdam-dam
at marunong lumingap sa bayang tinubuan.
14. Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang
araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at
sabungan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't
magkakapatid, ng liwanag ng walang katapusan, ang mga ginugol
na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan.
|