KUNG SA BAGAY
Jose F. Lacaba 
Kudetabatsoy

NOONG Dekada Sitenta, napasama ako sa isang pagtatalo ng mga manunulat kung paano isasalin sa Pilipino ang abenturang militar na kung tawagin sa Pranses ay coup d'etat.
Ang sabi ng iba, sundin na lang ang bigkas sa Pranses at baybayin iyon sa Pilipino-kudeta. Isa ako sa tumutol. Mukha kasing kubeta. Baka 'kako manibago ang mambabasa sa ispeling at pagtawanan lang ang termino, sa halip na seryosohin.
Mas gusto kong ipasok sa Pilipino ang terminong Espanyol-golpe de estado. Katwiran ko, may ekspresyong Tagalog na golpe de gulat, at madali nang matatanggap ang golpe de estado. Mas pormal pa ang dating, hindi kakatwa o katawa-tawa.
Bukod dito, ang pinaikling salita sa Ingles na coup ay parang hindi magandang gawing ku. Parang mas may impact ang salitang golpe.
Marami-rami rin akong sinulat na gumamit ng praseng golpe de estado. Kaya lang, hindi kinagat ng sambayanan ang termino, kahit noong ideklara ni Marcos ang batas militar-isang mistulang golpe de estado, sa tingin ng ilang tagasuring pampulitika.
Nang magkaroon na ng mga totohanang golpe de estado noong panahon ni Cory Aquino, ang nausong termino ay ang katagang akala ko'y mabaho at katawa-tawa. Bahagi na ngayon ng wikang Pilipino, bagamat wala pa sa mga diksiyonaryo, ang salitang kudeta.
Maaaring kaya nga nauso ang salitang kudeta ay dahil mabaho ang dating nito. Bagamat lumikha ng panandaliang ligalig ang mga pakulo nina Koronel Gringo Honasan, sa bandang huli ay naging katawa-tawa rin ang mga ito-mga baliw na aksiyong nagpasulpot sa mga Brigada Uzisero, mga kakutya-kutyang pakikipagsapalaran na binansagang kudetawa.
Nitong mga nakaraang araw, kumalat ang tsismis na may namumuong kudeta sa tabi-tabi. Dahil sa lumalalang krisis na hindi raw kayang lutasin ng isang diumano'y sobrang mahilig sa ABS (alak, babae, sugal), baka raw may pumutok na kudeta.
Malayong mangyari, ayon kay Senador Gringo Honasan. At dapat siyang pakinggan, dahil eksperto siya sa kudeta-kahit pa sila mga kudetang palpak, mga golpe de palyado.
Pero ewan ko rin. Kung may usok, may sunog, 'ika nga. Kung may alingasaw, may gumagamit ng kubeta.
Isa ako sa naniniwala na mayroon ngang mga nagbabalak ng kudeta. Ang batayan ng paniniwala ko ay ang balitang baka matanggal sa serbisyo ang 16 na heneral ng pulisya.
Ang dahilan? Hindi pangongotong, hindi pambababae, hindi paglabag sa mga karapatang-tao, kundi … sobra sa 34 pulgada ang baywang ng bawat isa!
Kung naghahanap kayo ng mga tao na may kakayahang mamuno, madaling makapangalap ng armas at tauhan-at, higit sa lahat, may motibo-eto sila. Mga heneral na pinupuwersang magpaliit ng tiyan, gayong ang mismong Commander-in-Chief nila ay hindi naman balingkinitan.
Napakalaking inhustisya ang ginawa sa 16 na heneral, gayundin sa lahat ng pulis-patola na nangangalabasa ang baywang.
Hindi ako nagtataka na nakikisimpitiya sa mga potensiyal na kudeterong ito ang isang bigating katulad ni Linggoy Alcuaz. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit noise barrage ang protestang pinili ng kilusan ni Linggoy. Hindi ba ito'y Silent Protest Movement?
Hindi kataka-takang ang naganap nitong nakaraang tatlong gabi ay silence barrage.
Pero hindi pa tapos ang laban. Naghihintay lang ng tamang pagkakataon ang mga lumba-lumba sa pulisya para maglunsad ng kudetabatsoy. Kung susugod sila sa Mendiola at sabay-sabay na lulundag, tiyak na babagsak ang Malakanyang!
(PINOY TIMES, 2000 Abril 10)